Thursday, December 6, 2012

Sino ang Mabuting Pastor na binabanggit sa Juan 10:1-16?



Sino ang Mabuting Pastor na binabanggit sa Juan 10:1-16?

Mababasa natin mula sa ilang kopya ng “Pasugo”- opisyal na magasin na inilathala ng Iglesia ni Cristo (1914) na nagsasabi na ang Tagapagtatag ng kanilang Iglesia na si Felix Manalo ay siyang “Tanging Pastor” na binabanggit sa Juan 10:16. Ganito ang ating mababasa na nasabing magasin;
Pasugo”, Mayo 1961 pahina 22.
“Papaano magiging kawan o Iglesia ni Cristo itong mga tupa ni Jesus na nagmumula sa Pilipinas, hindi naman naparito si Cristo noong 1914? Ang sabi ni Jesus sa Juan 10:16, “magkakaroon sila ng isang Pastor”. Sino itong isang Pastor ng Iglesia na lilitaw sa Pilipinas? Ang pinagsabihan ng Dios “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasa iyo (Isaias 43:5). Sino itong pastor ng Iglesiang lilitaw sa Pilipinas? Ito ay ang Kapatid na Felix Manalo. Noong sabihin ni Cristo na siya’y mayroon pang ibang mga tupa na wala sa kulungan at sila’y gagawing isang kawan at magkakaroon ng isang pastor, noon pa’y mayroon na siyang karapatan.”
            Pasugo”, August 1976, page 3
“Therefore, this Scriptural truth is revealed to us: as long as there is a messenger commissioned by God, Christ could continue establishing His Church. It is precisely through the instrumentality of that ONE PASTOR, realized in the person of Brother Felix Manalo, that Christ established His other sheep into one flock that is the Church of Christ that emerged in the Philippines in 1914.”

Ang mga talatang nabanggit sa Juan 10:1-16 ay hindi isang hula o propesiya, kundi isang katotohanan ng pananampalataya ukol kay Jesucristo. Ipinakikita dito kung paano titipunin ng Mabuting Pastor ang kanyang mga tupa sa isang kawan at kung paano niya minamahal at pinangangalagaan ang lahat ng kanyang mga tupa. Kung kaya’t ang mga talatang nabanggit ay sadyang nakalaan lamang kay Jesucristo bilang Tagapagligtas at Manunubos nating lahat.
I.Natatanging Gawain ng Mabuting Pastor na hindi kayang gawin ninuman;
a.    Ang Mabuting Pastor ay nag-alay ng kanyang sariling buhay alang-alang sa kanyang mga tupa ayon sa Juan 10:11.
Juan 10:11
“Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kanyang buhay dahil sa mga tupa.”
  
Ang buhay ni Jesucristo lamang ang bukod tanging pantubos sa tao:
Awit 49:7-8
7 Wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan sa kaniyang kapatid. Ni magbibigay man sa Dios ng pangtubos sa kanya.
8 sapagkat ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay mahal, at ito’y naglilikat magpakailan man.”
1 Timoteo 2:5-6
5 Sapagkat may isang Diyos at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,
6 na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan.”
Roma 5:8-9
8  Datapuwat ipinagtatagubilin ng Dios ang kanyang pag-ibig sa atin , na nang tayo’y makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin
9 lubha pa nga ngayong inaaring ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya.”
Mateo 20:28
Gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pantubos sa marami.”
Ang lahat ng tao ay nagkasala sa Diyos at walang sinumang karapatdapat sa Kanya (Rom. 3:10-12, 23); at kamatayan ang kabayaran ng kasalanan (Rom. 6:21). Walang sinumang tao na makapagliligtas sa atin sa kamatayan (Awit 49:7-8). Bukod tanging si Jesucristo lamang ang maaaring makatutubos sa atin sa kamatayang dulot ng ating mga kasalanan, sapagkat siya ang ipinadala ng Diyos bilang ating Tagapagligtas. Kaya bilang Mabuting Pastor ay iniaalay ni Jesucristo ang kanyang buhay bilang pantubos sa atin at pamamagitan ng kanyang dugo ay nagkaroon tayo ng kalinisan at katubusan. Kaya ang pag-aalay ng Mabuting Pastor ng kanyang buhay para sa mga tupa ang tanging-tangi kay Jesucristo lamang inilaan ng Diyos at wala ng iba pa. 
b.    Ang Mabuting Pastol ay nagkakaloob ng masaganang buhay sa kanyang mga tupa ayon sa Juan 10:10.
Juan 10:10
“Hindi pumaparito ang magnanakaw; kundi upang magnanakaw, at pumatay, at pumuksa: ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay, ang magkaroon ng kasaganaan nito.”
Si  Jesucristo lamang ang buong tanging makapagbibigay ng masaganag buhay at buhay na walang hanggan sa kanyang mga tupa.
1Juan 5:11-12
“11  At ito ang patotoo, na tayo’y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.
12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.”

Juan 3:15, 36
“15 Upang ang sinumang sumampalataya ay magkaroon sa kaniya ng buhay na walang hanggan.
36 Ang sumasampalataya sa Anak  ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi poot ng Dios ay sumasa kaniya.”

Juan 6:40
Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak, at sa kaniya’y sumasampalataya, ay magkaroon ng walang hanggang buhay; at akin siyang ibabangon sa huling araw.”
Si Jesucristo bilang Mabuting Pastor ay naparito hindi lamang upang magkaroon ang mga tupa ng isang masaganang buhay kundi pati na rin ng buhay na walang hanggan. Siya lamang ang makapagbibigay ng buhay na walang hanggan sa atin sapagkat iyon ang kalooban ng Diyos. Kaya walang sinumang tao ang makapagbibigay sa atin ng masaganang buhay at ng buhay na walang hanggan maliban kay Jesucristo.

II.Ang  Hangarin ng Mabuting Pastor sa kanyang Kawan.
Nais ng Mabuting Pastor na ang lahat ng kanyang mga tupa ay matipon sa iisang kawan lamang sa ilalim ng pangangalaga ng iisang pastor lamang, ito ang diwa na nakapaloob sa Juan 10:16.

                        Juan 10:16
“At mayroon akong mga tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.”
Pag-aralan natin ang: Juan 10:16
            “…..Sila’y magiging isang kawan at magkakaroon ng isang pastor.”
Sino ang tinutukoy ng salitang “sila” (ay magiging isang kawan)?
Ang salitang “sila’y magiging isang kawan” ay tumutukoy sa;
a.    Mga tupa na nasa  “kulungang ito”, at
b.    At ang mga tupang hindi pa sa “kulungang ito”.
Juan 11:51-52
51 Ito nga’y sinabi niya na hindi sa kaniyang sarili: kundi palibhasa ay dakilang saserdote nang taong yaon, ay hinulaan niya na si Jesus ay dapat mamatay dahil sa bansa,                                                               58  at hindi dahil sa bansa lamang, kundi upang matipong din naman niya sa isa ang mga anak ng Dios na nagsipangalat.”
Ayon dito si Jesus ay mamamatay para sa bayang Israel at maging sa hindi kabilang sa bayang Israel (Gentil ang tawag sa kanila); upang silang lahat ay matipon bilang isang kawan, ang mga Israelita kasama na ang mga Gentil (mga anak ng Diyos na nagsipangalat).
a.    Sino ang tinutukoy na mga tupa na nasa kulungang ito?
Ang mga tupang nasa kulungan ay ang mga Israelita o mga Hudyo: ang bayan ng Diyos, mga kabilang sa mga binhi ni Abraham.

Mateo 1:21
“At siya’y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya’y JESUS; sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang ma kasalanan.”
                        Mateo 10:5-6
5 Ang labindalawang ito’y sinugo ni Jesus, at sila’y pinagbilinan na sinasabi, ‘Huwag kayong magsitungo sa alin mang daan ng mga entil, at huwag kayong magsisipasok sa alinmang bayan ng mga taga-Samaria;   6 kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel.”
                        Mateo 15:24
“Datapuwat siya’y sumagot at sinabi, ‘Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.”
b.    Sino ang tinutukoy na mga tupa na hindi pa sa kulungang ito?
Sila yaong mga hindi Israelita (o hindi Hudyo); yaong mga hindi kabilang sa mga binhi ni Abraham, sila ay tinatawag na mga Gentil.

Efeso 3:8
Sa akin, na ako ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo.

Roma 9:24-25
“24 Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?
25 Gaya naman ng sinasabi niya sa aklat ni Oseas, ‘Tatawagin kong aking bayan na hindi ko dating bayan; At iniibig, na hindi dating iniibig..” 

Efeso 2:11-12
“11 Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman, tinatawag na Di-pagtutuli niyaong tinatawag na Pagtutuli sa laman, na ginawa ng mga kamay.
12 Na kayo nang panahon yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang mga lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pag-asa at walang Dios sa sanlibutan.
13 Datapuwat ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo.”
Ang nais ni Jesucristo ay maging IISA LAMANG ang Iglesia at Siya ang IISANG PASTOL. Ang mga tupa na wala pa sa kulungan at dadalhin sa loob ng kulungan upang isama sa mga nasa loob upang maging IISANG KAWAN LAMANG. Isang kawan na binubuo ng mga Judio at mga Gentil.

III.Ano ang “Kawan” at paano mapapabilang sa “Kawang” ito ni Jesucristo?
1.    Ano ang tinutukoy dito na “kawan” ?
Ang kawan ay tumutukoy sa Iglesia – na siyang kalipunan ng mga taong sumasampalataya kay Jesucristo. Ang mga tupa ay tumutukoy sa bawat isang mananampalataya na nabautismuhan. Ang Obispo ay siyang itinalaga ng Panginoon upang maging Tagapangalaga ng buong Iglesia.
a.    Gawa 20:28
“Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang boong kawan, na sa kaniya’y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga Obispo upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.”

b.    Juan 21:15-17
15 Kayat nang mangakapagpawing gutom sila, ay sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako ng higit sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon, nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga kordero.
16. Sinabi niya sa kaniyang muli sa ikalawa, Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon, nalalaman mo na kita’y iniibig . Sinabi niya sa kaniya, Alagaan mo ang aking mga tupa.
17 Sinabi niya sa kaniya sa ikatlo, Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Nalumbay si Pedro sapagkat sa kaniya’y sinabing makaitlo, Iniibig mo baga ako? At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa.”

c.    Mga Awit 100:3
‘Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios: Siya ang lumalang sa atin, at tayo’y kaniya: Tayo’y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.”

2.    Papaano mapapabilang sa kawan o sa Iglesia ng Panginoon?
Ang sinumang tao ay nagiging kabilang sa kawan ng Panginoon sa pamamagitan ng Bautismo, at sa pamamagitan nito ang bawat isa sa atin na  na nabautismuhan ay nagiging bahagi ng Iglesia na siyang katawan ni Jesucristo.

a.    I Corinto 12:13, 27
“13 Sapagkat sa isang espiritu ay binautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo’y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.”
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa’y samasamang mga sangkap niya.”

b.    Galacia 3:27-29
27 Sapagkat ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
28 Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
29 At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.”
Pagbubuod:
Sang-ayon sa Juan 10:11 “Ako ang mabuting pastor: ibibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa.” Si Jesus bilang Mabuting Pastor ay namatay bilang pantubos para sa lahat ng mga kasalanan ng kanyang mga tupa. Kaya bang tubusin ni Felix Manalo sa pamamagitan ng kanyang sariling buhay ang lahat ng mga kasalanan ng mga tao sa buong mundo?
Sang-ayon sa Juan 10:10 “Hindi pumarito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa: ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.” Si Jesus ay naparito upang magkaroon ang mga tupa hindi lamang ng masaganang buhay kundi pati ng buhay na walang hanggan. Kaya bang pagkalooban ni Felix Manalo ng masaganang buhay at ng buhay na walang hanggan ang mga tao na nasa Iglesia?
Sang-ayon sa Juan 10:16 “At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din namang dalhin KO, at kanilang diringgin ang AKING tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.” Si Jesus ang nag-iisang Mabuting Pastor ng kanyang nag-iisang kawan lamang. Ang mga tupang wala pa sa loob ng kanyang kawan ay kanyang tatawagin at dadalhin sa loob ng kanyang kawan upang sa gayon ay magkakaroon lamang ng iisang kawan at iisang Pastor. Iyan ang katotohanang malinaw na nakasaad sa Biblia. Ito ay personal kong pagninilay batay sa mga materyales na aking nakalap.@